Miyerkules, Nobyembre 9, 2016

ANG AKING MGA NAIS: Mga tula tungkol sa Pananampalataya, Pag-asa, Pag-ibig



I.   Pananampalataya: PAGTAWID

Nais ko munang maging tiyak, sa isang panahong walang katiyakan.

Sa silid na ito,
amoy na amoy ko ang
buhay at kamatayan.

Sa bawat sulok,
ay may nakaambang mga damdamin:
nag-aabang ang –
Pighati
Galak
Takot
Tapang
sa maaaring maging senaryo sa bawat
pagpatak ng bawat segundo.

Nariyan ang iyong mahal sa harapan:
nakahiga’t walang malay – tumatawid siya
sa napakakipot na tulay sa pagitan ng
paglisan at muling pagbalik.

At maya-maya, sasalakayin ka ng
isang damdamin: Takot.

Habang nakikita mong pumapalibot
ang mga tagapagsalba ng buhay sa iyong mahal.
Ngunit alam mo nang bibigay ang tulay
na kanyang tinatawiran.

At sa mga sandaling iyon,
nais mo nang maging tiyak – kahit
batid mong parang wala itong katiyakan.

Sa isang pader, maaaninag mo ang isang mukha,
maliit na simbolo ng Kanyang banal na katauhan.

At saka mo sasambitin ang mga nais,
ang mga panalangin, at buong-buong ipapaubaya
sa Kanya ang iyong sarili.

----


II.   Pag-asa: HITHIT-ISIP-BUGA

Nais ko munang guminhawa kahit sandali.

Mabilis kumalat ang ningas, na kahit
maliliit na piraso ay madampian ng apoy – Fortune Lights 
parang pagkubkob ng pag-asa,
sa nauupos kong katatagan.

Sa silid na ito, tinititigan ko ang mga
nagsipagtandang mukha; nadukot ang kanyang asawa,
binaril ang kanyang anak, binilanggo ang kanilang
kaibigan, at mismong sila’y tinakot, nakalagda ang pangalan
sa papel ng kamatayan.

Sa tuwing mahina ang baga ng apoy – hithit 
kailangan ipunin ang mga karanasan ng sarili,
upang muling magliyab ang katatagan.

Ngayon, tinititigan ko naman ang batang-batang sarili;
may inang tumatangis habang nagmamakaawa sa anak,
pagsasalita kaharap ang libu-libong mga di-kakilala,
isang buong maghapon na paglalakbay, pagbagtas
sa matatarik at lihim na paroroonan. – hithit – pagkatakot –

“Kaya ko pa ba?”

– hithit – buga

Sa mga gabing marahas ang bigwas ng kahinaan.
madalas tayong maghanap ng alab.

Nais nating muling uminit,
kaya’t babalikan natin ang mga
nakaraang dahilan ng pagkilos,
ng pag-iral bilang isang natatanging liwanag
– na tumatanglaw at gumagabay sa iba.

Pagkat nais nating muling tupukin ng katapangan,
ang lahat ng mga pangambang
pumapalibot sa ating puso’t isipan.

----



III.   Pag-ibig: SARILING BERSYON NG KATOTOHANAN

Nais ko munang bumalik muli sa nakalipas.

Patawid ako ng kalsada, 
nakaupo ka sa tabi ng bus pa-Cubao.
lumingon ka at sinalubong kita ng ngiti – 
nananabik na pagkamusta.

Tinabihan kita,
sabay banggit ng iba’t ibang kwento.

Naglakad tayong muli,
naglakad nang naglakad hanggang sa 

– saglit, 

pagkat nais ko munang gumawa ng sariling bersyon ng ating nakaraan,
ang sarili kong bersyon ng katotohanan.

Patawid ako ng kalsada,
nakaupo ka sa tabi ng bus pa-Cubao.
Lumingon ka at sinalubong kita ng malakas 
– na sampal at sigaw.

“Paano mo iyon nagawa sakin?!”

“Hindi mo ba inisip ang mararamdamam ko?!”

“Huwag ka nang tumuloy dito!”

Dahil, hindi ka na maaring bumalik,
wala nang babalikan 

sa gumuho kong pagkatao.


(*Ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 8



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento