Sa
halos lahat ng pagkakataon, tinuturuan ako ng mga kinalalagyan kong
komplikadong sitwasyon para maghintay. Maghintay ng walang humpay. Maghintay
habang nangangarap, o mas maiging sabihing habang ipinagdarasal ang mga walang
katiyakan.
Kadalasan,
sa mga paghihintay na ito, parang mga kaaway na bigla-biglang sumasalakay ang
mga katotohanan na may dalang matalas at mapanganib na sakit sa damdamin. Madalas
ko itong iniinda ng tahimik, walang sinumang nakakaalam sa lalim at lala ng mga
sugat na panahon na lamang ang nagpapahilom.
Sa
mga hindi inaasahang sitwasyon, mahuhulog ka sa kumunoy ng kawalang pag-asa,
habang nasa entablado, habang nasa harapan ng maraming mga tao. Ano nga ba ang
gagawin para maikalma ang sarili? Para hindi masilip ng ninuman ang kalungkutan
at sakit na danas? Para tahimik na pumunta sa likod ng entablado matapos ang nakakapagod
na pagtatanghal?
Buti
nalang at hindi basta-basta umaapaw ang silid kung saan nakatago ang lahat ng
mga hinanakit. Kaya pa itong kontrolin. Kaya pa itong itago. Hindi pa ito
marahil mapupuno sa mga oras na kagaya nito.
Pero
sigurado, sa oras ng pag-iisa, kapag wala nang entablado, mga tao, kapag wala
nang ibang kasama kundi ang sarili, tsaka kusang bubuhos ang lahat ng mga
mabibigat sa damdamin. At kapag dumating ang oras na yon, hayaang kasing lakas
ng bagyo ang bugso ng damdamin. Hayaang kasing lakas ng pagputok ng bulkan ang
hinanakit sa dibdib.
Bukas
pagkagising, o sa katotohanan, ilang taon din ang lilipas, ang mga sugat ay
kusang maghihilom kahit hindi gamutin. Ito ang sining ng lungkot at saya ng
pagiging mag-isa. Walang ibang historyador, kundi ang sariling puso.