I. NIKOTINA
Madalas tayong naglalakbay,
sa sarili nating mga damdamin:
Habang mag-isang binabagtas ang malungkot na siyudad
sa isang matamlay na gabi.
O tuwing nasa gitna ng pulong sa isang silid, seryosong mga titig at salitang bumubulwak sa bibig. O tuwing katalik ang iniibig, pigil ang impit at damang-dama ang nagliliyab na laman. O kahit sa mga pangkaraniwang araw, sa parehong pangyayari at paligid, pamilyar na mga mukha, at nakakasawang mga eksena. Hindi lamang mumunting sigarilyo ang nikotina ng ating kaluluwa, taglay ang iba’t ibang aroma, na binabalik tayong muli sa partikular na tagpo at alaala, – hit-hit, isip, tanong, buga – ito ang sirkulo ng mga manlalakbay sa sarili nilang pagkatao. Ang nikotina bilang iba’t ibang uri ng pakiramdan, sumasalakay sa walang tiyak na panahon, bisyo ng puso na ibuga ang usok, ng mga tanong na paano at ano. Ang nikotina bilang tagapag-alala. Ang nikotina bilang tagasundo at tagahatid sa ating ulirat. Ang nikotina bilang boses na sumisigaw mula sa ating
O tuwing nasa gitna ng pulong sa isang silid, seryosong mga titig at salitang bumubulwak sa bibig. O tuwing katalik ang iniibig, pigil ang impit at damang-dama ang nagliliyab na laman. O kahit sa mga pangkaraniwang araw, sa parehong pangyayari at paligid, pamilyar na mga mukha, at nakakasawang mga eksena. Hindi lamang mumunting sigarilyo ang nikotina ng ating kaluluwa, taglay ang iba’t ibang aroma, na binabalik tayong muli sa partikular na tagpo at alaala, – hit-hit, isip, tanong, buga – ito ang sirkulo ng mga manlalakbay sa sarili nilang pagkatao. Ang nikotina bilang iba’t ibang uri ng pakiramdan, sumasalakay sa walang tiyak na panahon, bisyo ng puso na ibuga ang usok, ng mga tanong na paano at ano. Ang nikotina bilang tagapag-alala. Ang nikotina bilang tagasundo at tagahatid sa ating ulirat. Ang nikotina bilang boses na sumisigaw mula sa ating
kaloob-looban.
II. PAG-IBIG
Huwag kang magpakawala ng nakakapasong titig,
sabay bitaw ng isang tanong sa akin.
Dahil hindi ako sigurado kung ang sagot ko’y maluwalhati
o kasing bigat sa dibdib ng paglanghap sa usok
ng paborito kong yosi – Marlboro black
na dumampi sa aking nanlalamig na labi,
na para bang ito ang una mong paghalik sa akin.
Ang lagatik ng lighter at pag’ningas ng apoy, lalapit
papalapit nang papalapit, ang bunganga ng stick ng sigarilyo – hithit
– isip – tanong – buga
mistulang naririnig kong muli ang ating mga impit,
noong gabing walang-alinlangan kong
tinanggal ang saplot sa aking dibdib,
upang magsilbing mapa ng iyong tingin,
lakbayan ng iyong nanggigigil na labi,
at larangan ng iyong mapangahas na mga haplos.
ang marahas na pagbuka ng iyong bibig
kumawala ang nagbabagang halik,
mistulang katulad din ng unti-unting pagbukas
ng lagusan sa aking mundo
sa ilalim, daan sa kinasasabikang uniberso,
hingal na maglalakbay at papasok
dito, sa sinasaplutan kong mundo ng pag-ibig – hithit – pangamba –
“Mahal mo ba ako?”
– hithit – buga
Naglaho sa kawalan ang kalinawan ng isipan,
habang unti-unting naglalaro ang laksang usok ng pagkalito.
III. KATATAGAN
Mabilis kumalat ang ningas, na kahit
maliliit na piraso ay madampian ng apoy – Fortune Lights
parang pagkubkob ng pag-asa,
sa nauupos kong katatagan.
Sa silid na ito, tinititigan ko ang mga
nagsipagtandang mukha; nadukot ang kanyang asawa,
binaril ang kanyang anak, binilanggo ang kanilang
kaibigan, at mismong sila’y tinakot, nakalagda ang pangalan
sa papel ng kamatayan.
Sa tuwing mahina ang baga ng apoy – hithit
kailangan ipuninin ang mga karanasan ng sarili,
upang muling magliyab ang katatagan.
Ngayon, tinititigan ko naman ang batang-batang sarili;
may inang tumatangis habang nagmamakaawa sa anak,
pagsasalita kaharap ang libo-libong mga di-kakilala,
isang buong maghapon ng paglalakbay, pagbagtas
sa matatarik at lihim na paroroonan. – hithit – pagkatakot –
“Kaya ko pa ba?”
– hithit – buga
Sa mga gabing marahas ang bigwas ng kahinaan,
madalas tayong maghanap ng alab.
At saka naman tutupukin ng katapangan ang lahat
ng mga pangambang pumapalibot
sa puso’t isipan.
IV. PAGSISISI
May panghihinayang sa bawat barya
na pinambili sa stick ng sigarilyo – Winston Red
kagaya ng panghihinayang sa bawat oras
at pagkakataong pinakawalan.
Si itay, apat na taong mag-isa sa malungkot na bahay,
lagi siyang nakaharap sa mesa sa malamok na terrace,
may isang tasa ng kape, lamp shade, ash tray, makinilya
at mga dokumento.
Isusulat niya hindi isang liham,
dahil itatawag niya ang bawat pananabik at pangangamusta,
ngunit walang kahit anumang tugon mula sa minamahal.
Walang tugon at hindi na kailanman tutugon.
Si itay, apat na taong mag-isa
sa malungkot na bahay, sa kinalimutang probinsya,
sa inabandonang bahagi ng pagkatao.
May malawak siyang katanungan: sa anak na lumisan
at hindi na kailanman nagpakita.
At ngayo’y magtatangka siyang magsulat ng mensahe,
kahit hindi tiyak ang lugar na padadalhan – hithit – pag-sisisi –
“Kamusta ka na anak?”
– hithit – buga
At ang mga titik na nakasulat sa papel ay bigla
na lamang naupos at naging abo, tinangay ito ng hangin,
kasabay ng pagpatak ng luha sa kanyang matandang mukha.
V. PANGARAP
Palagian ang pagpatay natin sa ating sarili:
pagpapakawala sa minamahal, hindi pagharap
sa mga pagkakataon, sa pagpapabaya na maglaho na lamang
ang mga pangarap, – Lucky Strike
Sa paglakbay sa iba’t ibang uri ng pakiramdam,
sa pinakasulok na bahagi ng damdamin, may natagpuang
bangin ng pagkalito, kahinaan, at panghihinayang.
Ngayon, nakatayo ako sa islang ito, at
dito, ipapanalangin ko ang lahat ng mga pangarap,
pagkat nais kong lumangoy sa napakalawak na dagat.
Nais kong sisirin ang kaibuturan ng aking kahinaan,
at pansamantalang manatili sa ilalim, hanggang matutunan ko
kung paanong huminga sa tubig.
Sa mga bundok na ito, doon at doon, ay
ibubulong ko ang lahat ng mga nais, pagkat gusto kong maligaw
sa mayabong at luntiang kagubatan.
Nais kong sumilong sa mga katiyakan,
at makarating sa puso ng gusto kong puntahan.
Ito nga ba ang bisyong unti-unting pumapatay,
ang mga damdaming hindi makawala,
ang mga paano at ano na hindi mailabas
at maibuga ng puso?
– hithit
----
(***Entry ko ito last year 2015 sa isang kontes. Pasensya so petibs. Hindi na muli ito ni-edit. At kagaya ng mga damdamin, gusto ko lang itong pakawalan - i-post at mabasa ng sino mang gustong magbasa.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento