Huwebes, Abril 16, 2020

Paalam, Tang Greg!

Maligalig ang nilisan mong mundo, Tatang Greg.
May sakit na kumakalat sa buong bansa. At sa gitna ng pandemya, mas sumasahol din ang sakit ng lipunan – ang tunggalian ng mga uri, ang malawak na agwat sa pagitan ng naghahari at anakpawis – at naghihingalo na, nasa rurok, kailangan na nga nating magpa-anak ng panibagong sistemang panlipunan.
Hindi na namin alam kung ano ang magiging bukas. Ang tiyak ko ngayon, lumilinaw sa mga mamamayan ang kawastuhan kung bakit kailangan baguhin ang sistema – na ang kailangan natin lalo na sa mga panahon ngayon ay isang gobyernong nagsusulong ng panlipunang hustisya, nagsisilbi dapat sa uring anakpawis, at hindi lamang gobyerno ng mayayaman at dayuhan.
Ito ang nilisan mong mundo, Tang Greg. Sistematikong pinapatay at namamatay ang mga masa. Mundong puno ng pagtatakip sa katotohanan at pagbubusal sa mga nagsasabi ng katotohanan. Ito ang mundong naiwan at iniiralan namin, at sana’y hindi na manahin pa ng susunod henerasyon.
Pumanaw ka ngayong araw sa gitna ng matinding pihit ng sitwasyon. At sa mga oras na ito, hindi pa natin tiyak kung biktima ka ba ng COVID-19. Nakakalungkot at hindi ka namin maaaring puntahan sa iyong burol. Nakakalungkot at ngayong araw mismo, ililibing ka na.
Pakatandaan mo sanang nakatatak ka sa pahina ng ating kasaysayan. Higit kalahati ng buhay mo ay nag-ambag ka sa pagpanday para sa isang mas maayos na bukas.
Pinakamataas na pagpupugay, Tang Greg. Habang buhay ka naming dadakilaan!




Walang komento:

Mag-post ng isang Komento