Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Pag-ibig. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Pag-ibig. Ipakita ang lahat ng mga post

Huwebes, Abril 16, 2020

D.

Pinakamagandang tanawin,
ang makita kang naglalakad
sa pilapil, pawisang bumabagtas
patungo sa tataniman nating pitak,

ang makita kang nagbubunot
ng punla ng palay, kasama ng mga
kabataang magsasakang minulat mo -
kung paano lumaban,

ang mabilis ngunit maingat mong
pagtatanim, tantyado ang pagitan
ng bawat mga punla, mistulang
kung paano ka magmaniobra't kumilos -
kalkulado ang bawat pagsalakay,

ang katawan ay hapo, ngunit
payak pa rin ang nasisilayang ngiti,
ang putikang paa at kamay
ay babanlawan nalang sa irigasyon,
at tsaka ka ihahatid ng aking

mga titig, patungo doon sa kabilang kubol,
paniguradong kakamustahin mo
si tatay at makikipagkape sa kanya,
makikipagkulitan at kakargahin
ang kanyang makulit na babaeng apo.

Pinakamagandang tanawin,
na masaksihan ang 'yong
payak na pamumuhay,

ang buong-pusong pagyakap
sa piniling mapangahas na larangan,
dito sa lupaing pinalaya.


(Orihinal na ipinaskil sa FB: September 30, 2016)

Sa mga Pansamantala


Mga estranghero tayong
naligaw sa paghahanap,
sa ating mga sarili
at natagpuan ang isa’t isa,
sa gitna ng masalimuot
nating pagkawala.
Naluluma ang mga bagay,
ngunit hindi ang mga alaala,
ang damdamin – hindi ito
naluluma, o naglalaho.
Marahil, natututunan lang
ng puso ang magpatawad,
o mag-antay, o tumanggap
ng mga pagkabigo’t pagkatalo.
Ikatutuwa mo ba kung
hindi ako magpapatawa,
at sasabihin kong, siguro
mahal pa nga kita – pero
hindi na sapat-sapat na
pagmamahal?
Hindi na buo para muling
tumanggap, sa mga matagal nang
lumisan, at muling nagbabalik,
o lagi lang sigurong nariyan?
Mga estranghero tayong,
bagahe ang mga kalungkutan,
at binitbit, pinagaan, sinalo
ang isa’t isa, hanggang sa
mahanap muli ang daan
pabalik, sa tunay na iniibig.
May saglit na galak, sa
pansamantalang mga pagka-antala.
Sa mga pansamantala,
may walang hanggan,
kahit na panandalian. 

(Orihinal na na-publish sa Liwayway Magazine, April 29, 2019)

Pagpapaalam


Dahil mahal,
hinahatid akong muli,
ng lumbay ng 'yong
paboritong kanta,
doon sa partikular na senaryo
ng panandalian kong
pagkawala.
Nakatayo akong mag-isa
sa tabi ng kalsada,
mag-aabang sana ng bus,
pero inantay kita ng
5 minuto,
10 minuto pa,
30 minuto nalang talaga,
hanggang sa umabot
ang higit dalawang oras
na pagka-antala.
Bakit ba kasi may mga
umaalis, na walang ibang
pamamaalam,
kundi katahimikan. 

(Para kay M. Orihinal na ipinaskil sa FB: April 25, 2017)




Convenience Store

Magsasara na,
ang paborito nating
tambayan,
sa mga sandaling pagal
tayo sa maghapong
mga lakad.
Walang grandiyoso
sa convenient store na iyon.
Sadyang sapat lang,
ang upuang kahoy sa gilid,
ang dilaw na ilaw,
mga tanim na nagpapakalma
sa damdamin, tuwing
malalalim na ang usapan
sa bawat gabi.
Ayokong burahin
ang mga alaala ng bawat
pagbili doon, tanda mo pa ba
ang huli mong nilibre sa akin?
Strepsils at gamot.
dahil mayroon ako noong
sakit, na ubo at lagnat.
Pero pagkatapos mismo
ng gabing iyon,
alam mo bang
hindi pa rin ako
gumagaling?
May sakit pa rin.
(Para kay R. Orihinal na ipinaskil sa FB: May 26, 2019)