Huwebes, Abril 16, 2020

Sa mga Pansamantala


Mga estranghero tayong
naligaw sa paghahanap,
sa ating mga sarili
at natagpuan ang isa’t isa,
sa gitna ng masalimuot
nating pagkawala.
Naluluma ang mga bagay,
ngunit hindi ang mga alaala,
ang damdamin – hindi ito
naluluma, o naglalaho.
Marahil, natututunan lang
ng puso ang magpatawad,
o mag-antay, o tumanggap
ng mga pagkabigo’t pagkatalo.
Ikatutuwa mo ba kung
hindi ako magpapatawa,
at sasabihin kong, siguro
mahal pa nga kita – pero
hindi na sapat-sapat na
pagmamahal?
Hindi na buo para muling
tumanggap, sa mga matagal nang
lumisan, at muling nagbabalik,
o lagi lang sigurong nariyan?
Mga estranghero tayong,
bagahe ang mga kalungkutan,
at binitbit, pinagaan, sinalo
ang isa’t isa, hanggang sa
mahanap muli ang daan
pabalik, sa tunay na iniibig.
May saglit na galak, sa
pansamantalang mga pagka-antala.
Sa mga pansamantala,
may walang hanggan,
kahit na panandalian. 

(Orihinal na na-publish sa Liwayway Magazine, April 29, 2019)

Pagpapaalam


Dahil mahal,
hinahatid akong muli,
ng lumbay ng 'yong
paboritong kanta,
doon sa partikular na senaryo
ng panandalian kong
pagkawala.
Nakatayo akong mag-isa
sa tabi ng kalsada,
mag-aabang sana ng bus,
pero inantay kita ng
5 minuto,
10 minuto pa,
30 minuto nalang talaga,
hanggang sa umabot
ang higit dalawang oras
na pagka-antala.
Bakit ba kasi may mga
umaalis, na walang ibang
pamamaalam,
kundi katahimikan. 

(Para kay M. Orihinal na ipinaskil sa FB: April 25, 2017)




Convenience Store

Magsasara na,
ang paborito nating
tambayan,
sa mga sandaling pagal
tayo sa maghapong
mga lakad.
Walang grandiyoso
sa convenient store na iyon.
Sadyang sapat lang,
ang upuang kahoy sa gilid,
ang dilaw na ilaw,
mga tanim na nagpapakalma
sa damdamin, tuwing
malalalim na ang usapan
sa bawat gabi.
Ayokong burahin
ang mga alaala ng bawat
pagbili doon, tanda mo pa ba
ang huli mong nilibre sa akin?
Strepsils at gamot.
dahil mayroon ako noong
sakit, na ubo at lagnat.
Pero pagkatapos mismo
ng gabing iyon,
alam mo bang
hindi pa rin ako
gumagaling?
May sakit pa rin.
(Para kay R. Orihinal na ipinaskil sa FB: May 26, 2019)

Lunes, Marso 26, 2018

Paghihintay

Sa halos lahat ng pagkakataon, tinuturuan ako ng mga kinalalagyan kong komplikadong sitwasyon para maghintay. Maghintay ng walang humpay. Maghintay habang nangangarap, o mas maiging sabihing habang ipinagdarasal ang mga walang katiyakan.

Kadalasan, sa mga paghihintay na ito, parang mga kaaway na bigla-biglang sumasalakay ang mga katotohanan na may dalang matalas at mapanganib na sakit sa damdamin. Madalas ko itong iniinda ng tahimik, walang sinumang nakakaalam sa lalim at lala ng mga sugat na panahon na lamang ang nagpapahilom.

Sa mga hindi inaasahang sitwasyon, mahuhulog ka sa kumunoy ng kawalang pag-asa, habang nasa entablado, habang nasa harapan ng maraming mga tao. Ano nga ba ang gagawin para maikalma ang sarili? Para hindi masilip ng ninuman ang kalungkutan at sakit na danas? Para tahimik na pumunta sa likod ng entablado matapos ang nakakapagod na pagtatanghal?

Buti nalang at hindi basta-basta umaapaw ang silid kung saan nakatago ang lahat ng mga hinanakit. Kaya pa itong kontrolin. Kaya pa itong itago. Hindi pa ito marahil mapupuno sa mga oras na kagaya nito.

Pero sigurado, sa oras ng pag-iisa, kapag wala nang entablado, mga tao, kapag wala nang ibang kasama kundi ang sarili, tsaka kusang bubuhos ang lahat ng mga mabibigat sa damdamin. At kapag dumating ang oras na yon, hayaang kasing lakas ng bagyo ang bugso ng damdamin. Hayaang kasing lakas ng pagputok ng bulkan ang hinanakit sa dibdib.

Bukas pagkagising, o sa katotohanan, ilang taon din ang lilipas, ang mga sugat ay kusang maghihilom kahit hindi gamutin. Ito ang sining ng lungkot at saya ng pagiging mag-isa. Walang ibang historyador, kundi ang sariling puso.



Linggo, Pebrero 12, 2017

LUTANG NA NAMAN SI ACOE

Ano ba yaaaaan. Dalawang linggo na akong tinatamad, lutang, at hindi productive ang bawat araw :( Kinokondisyon ko ang sarili kong magsipag at maging subsob ulit sa gawain, kagaya nitong January na tuloy-tuloy ko talagang binombard ang sarili ko ng mga skedyul. Haaaay. Ano na naman ang nangyayari sa akin?

Nag-hibernate mode ako ng isa't kalahating araw, iniisip ko baka makabwelo ako ulit. Sana bukas paggising ko ay okay na. Ano nga ba ang problema? Sinasalakay ako ng iba't ibang mga alaala.

Marahil, ay hindi mo naman ito mababasa. Pero sana isang araw, maligaw ka rito sa blog ko, kung saan ko binubuhos ang mga ka-petihan ko. Kung saan ko sinusulat ang mga damdamin na ikaw ang isa sa mga naging dahilan.

I am afraid of failed relationships. It's been half a year since I was left alone in the middle of nowhere, patiently waiting for you to text or call me, painstakingly wondering when will we meet again, to kiss again, and to hug each other again. Kung babalikan kong muli ang nakalipas, ang buwang ng Setyembre na nagparamdam sa akin ng labis-labis na sakit, labis-labis na takot, labis-labis na pagkalumo, ayoko nang muli sanang maranasan iyon.

Magsusulat ako ng buong blog tungkol doon, pero tinatamad pa akong maramdaman ulit ang lahat. Hehe nekstaym nalang.

---

On the other note, dinalaw ko ang blog ni ano. bwahaha. Masaya ako't masaya na siya. Buti pa siya. grabi rin naman ang ginawa ko sa kanya noon kaya he deserved to be happy. Sana nga minsan magkita ang landas natin. Tumaba ka talaga yata. Haaaay. Kamusta na?

---

Para sa crush kong 28 years old (or 29?) na legit kong hinahangaan dahil magaling siyang tumula at gumawa ng pelikula pero ang tingin sa aking ay petibi pa rin na hindi pa nagma-mature huhuhu,

Nitong mga nakaraang araw, ewan ko ba at lagi kita naiisip (hindi iniisip, sumasagi ka talaga bigla sa aking ulirat), naiisip ko kung paano kaya kung tayo bwahahahaha! Pero seryoso, ayaw ko na ng mga palipas oras na relasyon, kung ako ang tatanungin na gusto ko na magsettle sa isang tao, ikaw iyon :)

Ikaw ang nakikita kong pwede kong maging sandalan para magpatuloy sa landas na ating tinatahak, sa mapangahas na mga larangan kung nasaan tayo ngayon. Napakalaki mong kondisyon para sa akin. At sana kahit ako, ay may maitulong din sayo.

Haixt. Kaso alam ko namang hindi mo ako bet, at iba ang proference na gusto mo. Pero ewan ko ba at ang masculine talaga ng dating mo sa akin. Huhu.

Ini-stalk nga pala kita sa mga blog at FB mo. haha. Grabe. Natutuwa akong magbasa sa mga sinulat mo, ten years ago. Lol. Accept mo na friend request ko huhuhuhu :(

Lutang na naman si Acooooeeeee. Sana makita kitaaaaaa. Misyuuuu. Chareng! HAHAHA.

The end!

Miyerkules, Disyembre 7, 2016

BULABOG

Tahimik na ang gabi. Pero nabulabog ako sa isang tawag. Mas nabulabog sa nabasa kong text at balita.

Pwede bang fast-track, move on, fast forward na tayo? Ayan na naman tayo sa muling pagre'recall ng mga pangyayari. Sa pag-throwback ng lahat ng mga sakit na napaka-struggle na ngang kalimutan.

Pwede bang tahimik ka nalang maglaho? Huwag ka nang bumalik. Huwag ka nang magparamdam at maramdaman. Pwede bang tanggalin mo nalang lahat ng bakas na merong umiral na noon at ikaw?

Nakaka-sira ng gabi.

Biyernes, Disyembre 2, 2016

HINGA

Nalulunod na ako sa napakaraming mga pagbabakasakali.

Nalulunod na ako sa labis-labis na galit.

Nalulunod na ako sa libo-libong mga tanong at panghihinayang.

Nalulunod na ako sa mga salita, napakaraming mga salita, na hindi maisabi, hindi mabanggit, mga salitang hindi makawala.

Hindi totoong madaling lumimot. Magaling lang tayong magtago, maging sa ating mga sarili.

Kailan ito matatapos?