Lunes, Marso 26, 2018

Paghihintay

Sa halos lahat ng pagkakataon, tinuturuan ako ng mga kinalalagyan kong komplikadong sitwasyon para maghintay. Maghintay ng walang humpay. Maghintay habang nangangarap, o mas maiging sabihing habang ipinagdarasal ang mga walang katiyakan.

Kadalasan, sa mga paghihintay na ito, parang mga kaaway na bigla-biglang sumasalakay ang mga katotohanan na may dalang matalas at mapanganib na sakit sa damdamin. Madalas ko itong iniinda ng tahimik, walang sinumang nakakaalam sa lalim at lala ng mga sugat na panahon na lamang ang nagpapahilom.

Sa mga hindi inaasahang sitwasyon, mahuhulog ka sa kumunoy ng kawalang pag-asa, habang nasa entablado, habang nasa harapan ng maraming mga tao. Ano nga ba ang gagawin para maikalma ang sarili? Para hindi masilip ng ninuman ang kalungkutan at sakit na danas? Para tahimik na pumunta sa likod ng entablado matapos ang nakakapagod na pagtatanghal?

Buti nalang at hindi basta-basta umaapaw ang silid kung saan nakatago ang lahat ng mga hinanakit. Kaya pa itong kontrolin. Kaya pa itong itago. Hindi pa ito marahil mapupuno sa mga oras na kagaya nito.

Pero sigurado, sa oras ng pag-iisa, kapag wala nang entablado, mga tao, kapag wala nang ibang kasama kundi ang sarili, tsaka kusang bubuhos ang lahat ng mga mabibigat sa damdamin. At kapag dumating ang oras na yon, hayaang kasing lakas ng bagyo ang bugso ng damdamin. Hayaang kasing lakas ng pagputok ng bulkan ang hinanakit sa dibdib.

Bukas pagkagising, o sa katotohanan, ilang taon din ang lilipas, ang mga sugat ay kusang maghihilom kahit hindi gamutin. Ito ang sining ng lungkot at saya ng pagiging mag-isa. Walang ibang historyador, kundi ang sariling puso.