Nagpasya akong hindi isapubliko ang larawang ito, apat na taon ang nakalipas.
Wala sa loob ko na ibulatlat ang tagumpay na nakamit sa burges na edukasyon, para sa balidasyon ng mundong napakapyudal ang pamantayan ng pagwawagi.
Itatago ko ang larawang ito, sabi sa sarili noon, at ilalabas pag nalampasan ang panibagong apat na taon - anong mundo man ang iniiralan ng magiging kasalukuyan.
Sinong mag-aakala na ang isang dayo ay makakapag-ambag sa kasaysayan ng muling pagpapalakas? Pinadalhan man ng sulat sa bahay mula sa admin, kinausap man sa unibersidad ang magulang, pinatawag at pinaratangan mang tagapagpanumbalik ng aktibisto sa isang unibersidad na higit ilang taon nang humupa ang militansya at umabot nang dekada bago muling nakapag walk-out ang mga estudyante.
Musmos man ang edad at karanasan ay nanatili at nagpatuloy sa kabila ng takot. Dahil normal lang naman ang matakot, ngunit hindi dapat ito maging dahilan ng pagtigil.
Hindi na maglalagay ng retoriko sa apat na taon sa kolehiyo, sa pakikipagbuno paano pagsabayin ang pagkilos at pag-aaral. Maraming namang saksi doon. Bagamat gustong gusto ng puso ang natututunan sa akademya, higit na naging mas matimbang ang pagkatuto sa totoong mundo labas ng unibersidad.
Apat na taon ang nakalipas, mas pinili kong umiral batay sa aksyon at ginagawa, at hindi mula sa mga sinasabi. Napakadaling magbitiw ng mga salita, napakahirap nitong panghawakan ng mahigpit, lalo na't panindigan ito sa mahabang panahon.
Alam kong nakaabang ang sanlibutan sa mga susunod kong hakbang. Sa pagkakamit sa matayog nilang tore ng ekspektasyon, sa pag-apak sa maningning na pedestal -- ito ang tipikal na inaasahan sa kinagisnan kong mundo na ibang-iba ang pananaw sa kung paano mabuhay ng makabuluhan at may prestihiyo.
At aaminin ko, takot na takot ako noon. Takot akong mangahas na sumalungat sa agos. O mas tamang sabihin, takot lamang ako sa mga sasabihin at magiging reaskyon ng aking paligid; ng mga kaanak, kaibigan, mga kakilala. Mas takot ako sa hindi nila pagtanggap, sa hindi nila maaaring pagkilala at pag-unawa.
Ngunit heto tayo ngayon. Hindi nagpadaig sa takot.
Nagpasyang pumalaot sa malawak na karagatan ng kasaysayan ng paglaban ng mamamayan. Patuloy na binubuyo ang malalakas na agos ng mga pangamba at panganib.
Sa pagtatapos at paglabas sa unibersidad, hindi natapos ang edukasyon at mas higit pa ang pagkatuto. Puno ng hamon. Nasanay na ang bawat araw ay pagharap lagi sa mga hampas ng alon. Lahat ng panahon ay tamang panahon para lumaban at magtagumpay.
Hindi biro ang mga nalampasan at hinaharap na tunggalian, ang mas malalim na pag-intindi sa ugat ng kasalukuyan. Nagsimulang magtanong at kumwestyon. At kung kinakailangan ay aktibong gumuhit sa mga bagay na dapat pagkasunduan at sa mga hindi dapat hayaan. 'Di ko rin mawari saan hinugot ang katatagan, ngunit marahil sa pagtangan sa tama at sa katotohanan. Ang materyal na kondisyo'y walang ibang itinutulak sa sarili kundi maging matatag.
May mga pagtatapos din na hindi na maaaring magawa. May mga nagsasarang pahina, ika nga. Gayunpaman, matinding aral ng paghihintay at pag-unawa ang itinuro sakin ng mga panahong nasa bingit ng pagkalunod. Laking pasasalamat din sa mga pagkakamali't kahinaan, dahil dito'y napanday ang 'di perpektong sarili at mapagkumbabang nagwawasto't nagpapanibago.
Mula sa mga hamon na pinagdaanan bilang estudyante ng unibersidad, at sa ngayo'y mga panibagong hamon bilang isang estudyante naman ng lipunan, gaano man ka gaspang ang mga pinagdaanan, nariyan, lagi't lagi, ang mga pagkakataon para magpanibagong sigla.
Para sa mas maraming pang mga taon, na nawa'y higitan pa ang unang apat na taong nagdaan.
Dahil hindi natatapos sa pagtatapos ang kabuluhan ng buhay.
Castillo, Lester May D.
Bachelor of Arts in Communication
Magna Cum Laude
Award of Excellence, Communication Research - Philippine Student Quill Awards
Anak ng bayan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento